Kabanata 19 - Mga Hadith Tungkol Sa Kagandahang-Asal
Kabanata 19
Mga Hadith Tungkol Sa Kagandahang-Asal
Kalinisan
297] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang kalinisan ay kalahati ng Eeman (panananampalataya). (Muslim)
298] Minsan ang Propeta (saws) ay naraanan ang dalawang puntod at nagsabi: "Ang mga nakalibing ay pinarurusahan hindi dahil sa mortal na kasalanan. Ang isa sa kanila ay hindi umiwas na marumhan ng ihi, habang ang isa naman ay nagkalat ng paninirang-puri." (Bukhari at Muslim)
Tungkuling Pampisikal
299] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "May ilang bagay na ipinag-uutos ng likas na pananampalataya (Islam): Paggupit sa bigote (upang hindi umabot sa labi at bibig), pagpapatubo ng balbas, paggamit ng miswak (isang ugat ng halamang panlinis ng ngipin), pagsinghot ng tubig (upang linisin ang ilong tuwing nagsasagawa ng wudhu), pagputol ng kuko, paglilinis sa pagitan ng daliri, pagbunot ng balahibo sa kili-kili, pag-ahit ng balahibo sa pribadong bahagi ng katawan, at paghuhugas ng tubig (matapos gumamit ng palikuran). (Muslim)
Paggamit ng Palikuran
300] Isinalaysay ni Salman na ang Propeta (saws) ay nagbawal sa ating humarap sa qiblah (sa Makkah) habang dumudumi o umiihi. Ipinagbawal din sa atin ang paggamit ng kanang kamay sa paghuhugas o pagpunas sa ating pribadong bahagi ng katawan. (Muslim)
301] Si Umar bin al-Khattab ay nagsabi: "Minsa'y nakita ako ng Propeta (saws) na umiihi habang nakatayo at sinabi sa aking huwag kong gawin ito, kaya't hindi na ako kailanman umihi nang nakatayo." (Ibn Majah at Tirmidhi)
Pagpapahinga
302] Nang makita ni Propeta Muhammad (saws) ang isang lalaki na nakadapa sa kanyang pagkakahiga, siya ay nagsabi: "Ito ang paraang pagkakahiga na hindi nais (gusto) ng Allah." (Tirmidhi)
303] Isinalaysay ni Hudhaifah (nawa'y kalugdan siya ng Allah) na kapag ang Propeta ay nakahiga, lagi niyang inilalagay ang kanyang kamay sa ilalim ng kanyang pisngi at magsasabi: "O Allah! Sa Iyong pangalan ako ay mamamatay at mabubuhay na muli"; at kapag siya ay nagising, siya ay magsasabi: "Ang lahat ng papuri ay sa Allah na Siyang nagbigay sa atin ng buhay matapos Niyang bigyan tayo ng kamatayan, at katotohanan, sa Kanya ang ating pagbabalik." (Bukhari)
Pagbahin
304] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag sinuman sa inyo ang bumahin, dapat niyang sabihin, 'Alhamdullillah '(Purihin ang Allah)! at ang kanyang kapatid o kasama ay dapat na magsabi sa kanya, 'Yarhamkumullah (Nawa'y mahabag sa iyo ang Allah)! Kapag nasabi ito, siya ay dapat sumagot, 'Yahdikum Allah wa yuslihu balakum' (Nawa'y patnubayan kayo ng Allah at bigyan kayo ng kagalingan)!" (Bukhari)
Pagtulong
305] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Tulungan ang mga naaapi at bigyan ng gabay ang mga naliligaw." (Abu Dawud)
306] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang tumulong sa kanyang angkan sa isang di‑makatarungang layunin, siya ay kagaya ng isang kamelyo na nahulog sa balon at hinihila paitaas sa (pamamagitan ng) kanyang buntot." (Abu Dawud)
Pagkamatapat
307] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Panghawakan ang katotohanan, sapagka't ang katotohanan ay nag‑aakay sa mabuting gawa, at ang mabuting gawa ay nag‑aakay sa Paraiso. Kung ang tao ay patuloy na magsabi ng katotohanan at gawin ang katotohanan bilang kanyang layunin, siya'y itatala sa harapan ng Allah bilang isang marangal at matapat. Iwasan ang kasinungalingan, sapagka't ang kasinungalingan ay nag‑aakay sa kasamaan at ang kasamaan ay nag‑aakay sa Impiyerno. Kung ang tao ay patuloy na magsabi ng kasinungalingan at gawin ang kasinungalingan bilang kanyang layunin, siya ay itatala sa harapan ng Allah bilang isang labis na sinungaling." (Bukhari at Muslim)
308] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ipangangako ko sa inyo ang Paraiso kung inyong maipangako sa akin na gawin ang anim na bagay: Magsabi ng totoo kapag nagsasalita; tumupad sa mga naipangako; tupdin ang mga tiwalang ibinigay sa inyo; iwasan ang pakikiapid; ibaba ang paningin; at pigilin ang kamay sa paggawa ng di-makatarungan." (Ahmad at Baihaqi)
Pagmamayabang
309] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Nawa'y malipol ang mga mayayabang magsalita." (Muslim)
Pakikitungo sa Kapwa
310] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Hindi magbibigay ng habag ang Allah sa isang taong hindi marunong mahabag sa kapwa." (Bukhari at Muslim)
311] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Hindi nababagay sa isang marangal at matapat na tao ang mang‑alipusta." (Muslim)
312] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag kayo ay nakatagpo ng mga taong labis ang pagpuri sa kapwa, sabugan sila ng alikabok ang kanilang mukha." (Muslim)
313] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang nananampalataya ay hindi itinalaga upang magparatang sa iba o sumpain sila, ni hindi siya mahalay o walang‑hiya." (Tirmidhi at Baihaqi)
314] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang paninirang‑puri ay higit na masama kaysa pakiki‑apid." Nang tanungin siya kung paano nangyari yaon, siya ay sumagot, "Ang taong nakagawa ng pakiki‑apid at matapat na magsisi ay patatawarin ng Allah. Subali't ang mapanirang‑puri ay hindi mapatatawad (ng Allah) hanggang sa patawarin siya ng kanyang (siniraang) kasama." (Baihaqi)
315] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang taong pinaka-marangal sa paningin ng Allah ay yaong pinakamaka‑diyos." (Bukhari at Muslim)
316] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ipinahayag sa akin ng Allah na dapat kayong maging mapagkumbaba, nang sa gayon walang sinuman ang magmalaki o mang‑api sa iba." (Muslim)
317] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Isa sa mga pinakamabunying paggawa ng kabaitan ng isang tao ay mabuting pakikitungo sa mga kaibigan ng kanyang ama kahit ang huli ay yumao na." (Muslim)
318] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang Mapagmahal (Ang Allah) ay magbibigay ng habag sa mga taong mahabagin. Kung kayo ay magbigay ng habag sa mga nandito sa lupa, Siya na nasa langit ay magbibigay ng habag sa inyo." (Abu Dawud at Tirmidhi)
319] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinuman ang walang habag sa mga bata at walang galang sa mga matatanda, at sinuman ang hindi nagpapayo ng kabutihan at hindi nagbabawal sa kasamaan, ay hindi nabibilang sa atin." (Tirmidhi)
320] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Walang kabataan na nagbigay dangal sa matanda na hindi bibigyan ng Allah ng isang magbibigay dangal sa kanya pagdating ng kanyang pagtanda." (Tirmidhi)
321] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang magbigay ng pagkain at inumin sa isang batang ulila, ipangangako ng Allah sa kanya ang Paraiso maliban lamang kung siya ay nakagawa ng di‑napapatawarang kasalanan. At sinumang mag‑aruga ng tatlong anak na babae o tatlong kapatid na babae, at kanyang pinangangaralan at pinakikitaan ng kabutihan hanggang sa pagyamanin sila ng Allah, ipangangako ng Allah sa kanya ang Paraiso." (Sharh Assunna)
322] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang humaplos sa ulo ng batang ulila nang may pagkahabag at pagmamahal dahil sa Allah, siya ay bibiyayaan sa bawa't buhok na masayaran ng kanyang kamay. At sinumang makitungo nang mahusay sa isang batang ulila na nasa kanyang pag‑aaruga, siya at ako ay katulad ng dalawang ito sa Paraiso, at inilapat ang kanyang dalawang daliri ng magkadikit." (Ahmad at Tirmidhi)
323] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Iwasan ang inggit sapagka't ang inggit ay sumusunog sa magagandang gawa kagaya ng apoy na sumusunog sa dayami." (Abu Dawud)
324] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang katamtaman sa paggastos ay kalahati ng kabuhayan, ang pagkamagiliw sa tao ay kalahati ng pang‑unawa at ang pagtatanong ng mabubuting tanong ay kalahati ng kaalaman." (Baihaqi)
325] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang Allah ay mabait at Kanyang kinalulugdan ang kabaitan. Ang pagpapala Niya sa kabaitan ay hindi ibinibigay sa kalupitan at sa anupaman." (Muslim)
326] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Siyang nawalan ng kahinayan ay nawalan ng kabutihan." (Muslim)
327] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Walang ibubunga ang kababaang‑loob kundi kabutihan." (Bukhari at Muslim)
328] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang Allah ay hindi tumitingin sa inyong anyo o ari‑arian, bagkus Siya ay tumitingin sa inyong mga puso at sa inyong mga gawa." (Muslim)
Pagmamahal sa Pamilya at Kamag-anakan
329] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinuman ang sumira (pumutol) sa pakikitungo sa kamag‑anakan ay hindi makapapasok sa Paraiso." (Bukhari at Muslim)
330] Isang tao ang nagsabi: "O Sugo ng Allah, mayroon akong mga kamag‑anak na kung kanino ko pinagsisikapang mapanatili ang aming ugnayan subali't kanilang pinutol ang pakikipag‑ugnayan sa akin; na aking pinakikitunguhang mabuti subali't masama ang pakikitungo sa akin; ako ay mahinahon subali't sila'y marahas sa akin." Si Propeta Muhammad (saws) ay sumagot, "Kung ikaw ay kagaya ng sinasabi mo, para mo na rin silang pinahihiran ng mainit na abo, at hangga't ginagawa mo (ang iyong tinuran) hindi ka mawawalan ng katulong mula sa Allah laban sa kanila." (Muslim)
331] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sa mga kasalanang pinatatawad ng Allah sa kaninumang Kanyang nais ay hindi kasama ang suwail na anak sa magulang, sapagka't pinarurusahan na Niya nang pauna dito sa mundo bago pa siya mamatay." (Baihaqi)
332] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kung ano ang tungkulin ng nakababatang kapatid sa kanyang nakatatandang kapatid ay kagaya ng tungkulin ang isang anak sa magulang." (Baihaqi)
333] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ako at ang nag‑aruga ng ulila maging ito man ay kamag‑anak niya o hindi ay mananahanan sa Paraiso ng ganito," at kanyang itinuro ang kanyang hintuturo at gitnang daliri na may kaunting puwang." (Bukhari)
334] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinuman ang may sanggol na babae at hindi niya ito inilibing ng buhay, o hindi binigyan ng kawalan ng halaga, o hindi niya itinangi ang ibang anak kaysa sa kanya, ipapasok siya ng Allah sa Paraiso." (Abu Dawud)
297] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi "Ang taong tumutugon o gumaganti sa kabaitang natamo ay hindi yaong nagpapanatili o nag-aalaga sa ugnayang pagkakamag-anak. Bagkus ang isang nagpapanatili o nag-aalaga sa pagkakamag-anak ay yaong nananatiling mabait sa kamag-anak bagama't sila ay galit sa kanya." (Bukhari)
Magandang Pag-uugali
298] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang pagkamatuwid ay isang magandang ugali, at ang kasalanan ay yaong bagay na namumuo sa inyong puso na ayaw ninyong malaman ng tao." (Muslim)
299] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang pinakamahusay sa inyo ay iyong may magagandang ugali." (Bukhari at Muslim)
300] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang kahinhinan ay bahagi ng pananampalataya, at ang nananampalataya ay nasa Paraiso. Subali't ang kagaspangan ay isang bahagi ng matigas na puso at ang matigas na puso ay nasa Impiyerno." (Ahmad at Tirmidhi)
301] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Maging matakot sa Allah saan man kayo naroroon. Kung susundan ninyo ang masamang gawa ng isang mabuting gawa, mabubura ninyo ito. At makisama lamang sa mga taong may magagandang pag‑uugali." (Ahmad, Tirmidhi at Darimi)
302] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang nananampalataya ay payak (simple) at mapagbigay, subali't ang walang‑hiya ay mandaraya at imbi." (Ahmad, Tirmidhi at Abu Dawud)
303] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang kababaang‑loob at pananampalataya ay lagi nang magkasama. Kapag inalis ang isa, mawawala rin ang isa." (Baihaqi)
304] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ako ay isinugo upang gawing ganap ang kagandahang-asal." (Malik at Ahmad)
305] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang mga nananampalatayang may pinakaganap na pananampalataya ay yaong may magandang pag‑uugali." (Abu Dawud at Darimi)
306] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang malakas na tao ay hindi yaong mahusay makipagbuno, bagkus siya ay yaong naka-pagpipigil sa kanyang sarili kapag siya ay galit." (Bukhari at Muslim)
307] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: May tatlong bagay na nakapagliligtas at tatlong bagay na nakawawasak. Ang mga nakapagliligtas ay pagiging matakot sa Allah maging ito ay lihim o hayag, ang pagsasabi ng katotohanan maging sa panahon ng kasiyahan o pagkayamot, at ang pagiging katamtaman maging sa panahon ng kasaganaan o kahirapan. At ang mga nakawawasak ay pagsunod sa simbuyo ng damdamin, ang pagiging maramot, at ang pagmamataas na siyang pinakamasama sa lahat." (Baihaqi)
308] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang nananampalataya ay hindi matutuklaw nang dalawang ulit sa iisang lungga." (Bukhari at Muslim)
309] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Pinatatawad ng Allah ang aking mga tagasunod sa mga masasamang udyok na namumuo sa kanilang mga kalooban hangga't hindi nila ito isinasagawa o ipinagsasabi." (Bukhari at Muslim)
Pang-aapi
310] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang Allah ay nagbibigay ng palugit sa mapang‑api, subali't kapag siya ay Kanyang binihag, hindi na Niya ito hahayaang makawala." (Bukhari at Muslim)
311] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Pangilagan ang pagsu-sumamo ng isang naaapi, sapagka't hinihiling lamang niya sa Allah ang kanyang karapatan, at hindi pinipigilan ng Allah na makamit niya ang kanyang karapatan." (Baihaqi)
312] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang tumulong upang palakasin ang isang mapang‑api kahit na batid niya na siya ay isang mapang‑api, siya ay lumisan sa Islam." (Baihaqi)
313] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinuman sa inyo ang nakakita ng bagay na di‑kanais‑nais, dapat niyang itama ito sa pamamagitan ng kanyang kamay; subali't kung hindi niya kaya, gawin ito sa pamamagitan ng kanyang dila (salita); kung hindi niya kaya, dapat niya itong kasuklaman sa kanyang puso at ito ang siyang pinakamahinang pananampalataya." (Muslim)
314] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag ang kasalanan ay nagaganap sa daigdig, sinuman ang makakita nito at kanya itong tinutulan ay katulad siya ng isang taong hindi naroroon. Subali't sinuman ang wala roon nang nangyari ito at kanya itong sinang‑ayunan, siya ay katulad ng isang taong nakakita nang mangyari yaon." (Abu Dawud)
315] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Iwasan ang anumang nagbibigay sa inyo ng alinlangan at harapin ang mga bagay na hindi nakapagbibigay alinlangan sa inyo." (Ahmad, Tirmidhi at Nasa'i)
Pagbibigay ng Handog (Regalo)
316] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Siya na magnais bawiin ang inihandog ay katulad ng isang aso na muling kinakain ang kanyang isinuka. Ang masamang halimbawa ay hindi naaangkop sa atin." (Bukhari)
317] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kung sinuman ang nakatanggap ng handog at siya ay may kaya, kailangan gantihan ang paghahandog. Subali't kung siya'y walang ibibigay, dapat niyang ipahayag ang kanyang pagpapahalaga (kasiyahan), sapagka't sinumang magpahayag ng pagkalugod ay nakapagbigay ng pasa-salamat. Sinumang magtago ng tungkol dito ay walang pasasalamat, at sinumang magyabang sa bagay na hindi naman ibinigay sa kanya ay isang taong gumagawa ng dalawang kasinungalingan. (Tirmidhi at Abu Dawud)
318] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Magbigayan ng handog sa isa't‑isa, sapagka't ang handog ay nag‑aalis ng hinanakitan" (Tirmidhi)
Kasiyahan sa Biyayang Ibinigay
319] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Kapag ikaw ay natingin sa kaninuman na nakahihigit ang ari‑arian o anyo kaysa sa iyo, ibaling ang paningin sa kaninuman na higit na mababa ang kalagayan kaysa sa iyo. (Bukhari at Muslim)
320] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang bahagi ng kaligayahan ng angkan ni Adan ay kinabibilangan ng kasiyahan sa bagay na itinakda sa kanya ng Allah. Ang bahagi ng kanyang kahirapan ay ang kanyang paglisan sa paghiling sa biyaya ng Allah. Ang bahagi ng kanyang kalungkutan ay ang kanyang kawalan ng kasiyahan sa mga bagay na ipinasiya sa kanya ng Allah." (Ahmad at Tirmidhi)
Pagkukunwari
321] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Sinumang magdasal nang may pagkukunwari ay nagbigay ng katambal sa Allah. Sinumang mag‑ayuno nang may pagkukunwari ay nagbigay ng katambal sa Allah. Sinumang magbigay ng limos nang may pagkukunwari ay nagbigay ng katambal sa Allah." (Ahmad)
322] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang bagay na kinatatakutan ko sa mga taong ito ay ang bawa't mapagkunwari na mahusay mangusap at gumagawa ng di‑ makatarungan." (Baihaqi)
323] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang mapagkunwari ay may tatlong tanda kahit na siya ay mag‑ayuno, magdasal, at magpahayag na siya ay Muslim: nagsisinungaling kapag siya ay nagsasalita, hindi tumutupad kapag nangangako, at nagtataksil kapag pinagtitiwalaan. (Bukhari at Muslim)
324] Si Propeta Muhammad (saws) ay nagsabi: "Ang pinakamalalang tao sa Araw ng Paghuhukom ay iyong may dalawang mukha." (Bukhari at Muslim)
58. Bago dumating ang Islam sa ganap na anyo, ang ilan sa mga tribo ng Arabia ay inililibing nang buhay ang mga sanggol na babae. Ang Islam ay ipinagbawal ang nakaririmarim na kaugaliang ito.
59. Ang isang Muslim ay nararapat lamang iwasan ang isang bagay na nakapagbigay sa kanya ng kapahamakan o kapinsalaan.
60. Ang mga tagasunod ni Propeta Muhammad (saws) ay tinatawag na Muslim.
61. Ang Hadith na ito ay tumutukoy sa pag-aalinlangan kung ang isang gawain ay naaalinsunod sa pinahihintulutan ng Islam o hindi. Kung may pag-aalinlangan tungkol sa isang hakbang, huwag nang isagawa ito, bagkus harapin ang mga bagay na mayroong katiyakan kung ito ba ay pinahihintulutan sa Islam o hindi.